Habang sinusulat ko ito, alam ko na marami na akong naging pagkakamali sa buhay. Mas madali rin kasing tandaan ang ating mga pagkakamali kaysa sa ating mga nagawang tama. Mas madaling bigyan ng pansin ang mga hindi natin nagawang tama kaysa sa mga nagawa nating mabuti.
Ang tanong ko ngayon ay: Bakit nga ba nagkakamali ang tao? Teka, Ano ba’ng mga pagkakamali ang ating tinutukoy? May mga mali tayo sa ating mga pagsusulit, hindi ba? Hindi naka-perfect sa exam kasi may mga maling sagot. Mayroon namang mali gaya ng maling paggamit ng isang bagay. Maraming klase ng pagkakamali ngunit ang nais kong bigyan ng pansin ay ang kasalanang moral. Ano nga ba ang mga dahilan bakit ang isang tao’y nagkakasala? Ilan lamang ang mga puntos na aking itataas.
- Dibisyon
May mga pagkakamali na ginawang tama ng ibang dibisyon o sekta. Iyon bang depende sa kanila kung ano’ng tama at mali. Mayroon tayong tinatawag na ‘black and white’ na pagkakamali – iyon bang alam mo na mali ito kahit hindi mo mabasa sa Bibliya. Isa rito ay ang pagpatay ng tao. May mga relihiyon na nagsasabing iyon ay hindi mali. Ngunit sa tingin niyo, kailan ba naging tama ang kumitil ng buhay ng tao? Pati ang pagkakaroon ng maraming asawa, kailan ba naging banal ang gawaing ito? May mga bagay kasi na mali na ginagawang tama ng iba.
- Depensa
May mga mali kang ginagawa na sasabihin mo na maliit lang naman kaya okay lang. Ang mga halimbawa nito ay ang pangongopya tuwing pagsusulit, pagkupit ng limang piso, pagmumura, paninigaw, pagsasabi ng mga ‘green jokes’, at marami pang iba. Ang isang klase ng depensa ay ang pagmumukhang tuwid sa halata namang mali. Halimbawa nito ay ang pakikipagtalik habang hindi pa kasal. Sinasabi ng iba na okay lang iyan dahil hindi ka naman nakakasakit ng iba o hindi kaya’y pakakasalan naman din o dahil iyon na raw ang uso. Kahit anuman ang gawing depensa, ang kasalanan ay kasalanan pa rin.
- Desisyon
Para sa akin, ito na ang pinakamatinding dahilan bakit nagkakasala ang tao. Maraming nagsasabi na wala nang ‘choice’ kaya iyon na ang nagawa. Masakit man isipin, anuman ang ating sitwasyon, mayroon tayong kalayaan na mamili para sa ating sarili kung ano ang nararapat na gawin. Maaaring isang kahig isang tuka o hindi kaya’y may hinahabol na grado o malamang inutusan lang o maaaring natukso lamang, anuman ang iyong dahilan, mayroon kang pag-iisip kung tama ba o mali o pipiliin mo.
Tao lang ako, nagkakamali rin. Ito ay isang sikat na kasabihan nating mga Pilipino. Ngunit bilang isang tao, mayroon din tayong kaalaman sa anong tama sa mali at kalayaan upang piliin ang una. Anuman ang iyong dibisyon, depensa o desisyon, nawa ay matuto tayo sa ating mga nakalipas na pagkakamali. Tandaan natin na may katumbas na gantimpala o parusa ang bawat desisyon na ating gagawin sa buhay. Higit sa lahat, may Diyos tayo na pwede nating lapitan sa lahat ng oras — karunungan sa pagpili ng tama at kapatawaran sa nagawang kasalanan.
At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga dios ng inyong mga magulang na pinaglingkuran sa dako roon ng Ilog, o ang dios ng mga Amorrheo na ang lupain nila ay inyong tinatahanan: nguni’t sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon. -Joshua 24:15
Honey Diane Angeles, TLW Volunteer