Hugot

Hugot

Masakit. Masaklap. Masalimuot.


Minsan hindi sinasadya.

Minsan pinili.

Sino ba naman kasi ang gustong masaktan ang puso? Kung oo ang sagot mo, malamang masokista ka. Gasgas na gasgas na nga, ipinamimigay mo pa rin ito na para bang ang baba ng halaga nito.

Bakit ba kasi marami ang nasasaktan pagdating sa usapang pag-ibig? Maraming dahilan at maaaring ang sitwasyon mo ay wala pa sa mababanggit dito.

Malabo.

Malabong Usapan. Mutual Understanding. In short, M.U. Hindi nagliligawan pero nagpapakitaan ng interes sa bawat isa. Alam niyo na may gusto kayo sa isa’t-isa pero hindi kayo. Kumbaga, commitment na lang ang kulang. Maaaring iyong isang partido ay hindi pa sigurado kung ikaw ang gusto sa habambuhay kaya hindi pa pwedeng maging kayo. Meron ding itinatago sa boy-girl bestfriendship para walang malisya nga naman. Natutuwa sa kilig na nararamdaman kaya meron ding friends with benefits ang peg. Maaari namang hindi pa pwede sa relationship para walang label kaya ayun flirtationship muna. Nakapaghawakan na rin ng kamay. Iyon nga lang, hindi ka nag-iisa na ginagawan niya nang ganoon kasi hindi nga naman kayo kaya wala kang palag. Boom pains!

Mag-isang Umiibig. Mag-isang Umaasa. Isang klase ito ng pagiging M.U. Nagpapalitan ng ‘I Love You’ pero ang totoo, nadala lang iyong isa o maaaring pagmamahal na hanggang kaibigan lamang. Kung ang LOL or ‘haha’ nga nasasabi o natetext ng tao nang hindi tumatawa, pwede ring hanggang salita lang ang I love you niya at pinamimigay na parang barya langMaaari rin namang walang sabihan ng nararamdaman pero sa kilos niya ay espesyal ka. Maaaring sinubukan ka lamang kung magkakagusto ka rin sa kanya kaya nagpakita na siya ng motibo. Iyon nga lang, na-fall ka na rin pero siya, pa-fall out of love na. Akala mo mutual kayo, hindi pala! Boom pains… again!

Define the relationship. Meron kasing MUWW– Mutual Understanding While Waiting. Sa ganitong mga sitwasyon, uso ang bumibitaw. Kung sa magkarelasyon ay may naghihiwalay nang walang sinasabing dahilan, sa M.U. ay uso ang naglalaho nang walang paalam. Matagal naging textmates/chatmates/skypemates tapos biglang nanlamig ang isa. Tila gusto nilang bumida sa pelikulang That Thing Called Paasa. Meron namang asang-asa ka na two-way kayo kahit wala siyang sinasabi na may gusto siya sa iyo tapos biglang isang araw, ipinakilala na sa iyo ang kasintahan. Panalo ka niyan sa assumption game. Bagay sa inyo ang linyang “There was never an us.” Boom pains… a lot!

 Atat.

Sugod na tayo. Ligaw diyan. Ligaw doon. Paligaw diyan. Paligaw doon. Boyfriend. Girlfriend. Kasal. Anak. Baka Grade 6 ka pa lang ah? Iyong totoo, paunahan ba ang pakikipagrelasyon? At kahit tapos ka na ng pag-aaral, sapat na ba iyon para bumuo ng pamilya? Diploma ba ang nagpapakain sa pamilya? Diploma ba ang makikisama sa mga hindi ninyo pagkakaunawaan o lalim ng karakter mo bilang tao? Eh ano naman kung mayaman ka? Baka hinihingi mo pa sa magulang mo ang pangdate niyo ah. Edi wow.

Tayo na kasi ang ganda mo. Tayo na kasi tall, dark, and handsome ka. Tayo na kasi lahat ng kaibigan ko may syota na.Tayo na para may inspirasyon ako. Tayo na kasi mas bet kita kaysa sa ex ko. Tayo na para makapagmove-on na ako sa nang-iwan sa akin. Tayo na para marami akong maging experiences sa pakikipagrelasyon. Tayo na para masabi ko na naging akin ka minsan. Tayo na kasi pwede naman patago. Edi wow.

Kapag hindi ka pa handa sa aspetong pisikal, emosyonal, pinansiyal, espiritwal, mahina ang pundasyon ninyo. Maaaring hindi pa kayo hinog. Kapag mali ang intensyon o motibasyon, tiyak tupok din ang relasyon. Kapag iniukol natin sa isang mababaw na aspeto ang ikakasiya ng relasyon, malamang na panandalian lamang ang saya na dulot nito dahil katulad ng kagandahang panlabas, hindi ito permanente. Kung ang katawan lang ang habol sa’yo, hindi mo na maibabalik ang panahon na sana hindi ka niya nahawakan. Irespeto ang sarili. Kung ayaw mo, edi wow.

Lalim.

Malalim na raw ang feelings. Feelings come and go. Gumamit din ng utak at hindi puro emosyon. Huwag magpatianod sa agos ng damdamin at baka malunod ka. Huwag bumibigay bigla sa nararamdaman nang hindi napaglilimiang mabuti kung ano ang kahihinatnan. Know your value.

Malalim ang pagkalungkot sa pagiging single. Iba ang nag-iisa (alone) sa malungkot (lonely). Hindi ka makakasumpong ng tunay na kaligayahan kung hahanapin mo angvalidation sa taong magkakagusto sa iyo. Know your identity.

Malalim ang pagkahumaling sa kabilang kasarian. Tao ka ba o papel sa pagsusulit na pinagpapasa-pasahan kapag “pass your papers” na? Know your worth.

Bakit hindi mo palalimin ang sarili mong mga relasyon horizontally at vertically? Bakit hindi mo iukol ang panahon mo sa pagkilala sa sarili mo? Baka naman kailangan mo rin matutunang tanggapin ang sarili mong mga kalakasan at kahinaan bilang tao. Maaari rin naman payabungin mo muna ang karera mo, talento mo, relasyon sa pamilya, at relasyon sa Itaas. Know your priorities.

Isiniksik.

Ipinagsisiksikan ang sarili. Pinapaniwala ang sarili na mapapa-ibig din nila ang taong hindi piniling mahalin sila. Kumbaga sa mga patalastas sa telebisyon, ibinabandera mo ang sarili mo mapansin ka lang, na kahit magpatiwakal ka pa ay hindi niya maipagkakaloob ang pag-ibig na hinihingi mo. Kung ikaw babae ang habol nang habol sa lalaki, mag-isip-isip ka. Titulo lang dapat ng palabas ang Desperadas, hindi pagkatao mo. Sa mga umeeksena pa sa mga taong may iba ng kasintahan o asawa, kumuha ka ulit ng Values o Good Manners and Right Conduct (GMRC) para mabalik-aralan mo kahit ang salitang respeto man lamang.

Pag-ibig, Pag-ibig – Paano ka Ginawa?

 Nagmahal lang naman ako. Pero bakit ganito nangyari?

Ansakit no. O baka manhid ka na. Kapag nasaktan ang puso, alam mo na gagawin mo. Hindi iyan mabubuo ng isang balde ng luha mo. Hindi iyan malalagyan ng tape sa pag-uulit ng maling desisyon. Hindi iyan awtomatikong humihilom sa pagsasabi ng mga kaibigan mo na “okay lang yan.”

Magsumbong. Umiyak. Magpatirapa.

Kay Hesus lamang. Wala nang iba. Teary-eyed na agad ako sa pariralang “Kay Hesus lamang.” Kung lumapit ka na dati sa Kanya, alam mo ang pakiramdam ng pagyakap niya sa’yo habang umiiyak ka. Alam mo ang pag-alo niya sa iyo sa bawat salita mo sa kanya na “Lord, ansakit sakit grabe. Ayoko na.” Alam mo ang pagdamay niya sa nararamdaman mong sakit. Hindi siya nanumbat na “Ikaw kasi anak eh. Sinabi ko na sa’yo eh.” Hindi niya rin sinabi na “Mas masakit ang naranasan kong pandudura at pagmumura galing sa mga tao noon. Ikaw kaya ang ipako sa krus!” Tinanggap niya ako nang buong-buo kasama ang alay ko na pusong nasaktan na naman. Bumalik ako sa tunay na kukumpleto sa akin at magbubuo sa aking pagkatao. Sa lalim ng pagmamahal Niya, lunod na lunod na ako.

Seek Him first.

Surrender yourself to His will.

See to it that your relationship with Jesus is your life’s first priority.

Magdasal. Maghintay. Maghanda.

Minsan ginagawa.

Minsan nganga at ngawa.

Isinulat ni:
Honey Dianne Angeles, TLW Volunteer